top of page

Naantala, Ngunit Hindi Natuldukan: Mga Pangarap ni Isko

Writer's picture: John Edmar PInedaJohn Edmar PIneda


“Natutuhan ko po na minsan may mga pangarap tayo na kailangan po nating isantabi muna dahil sa mga suliranin na talagang hindi po natin maiiwasan. Pero, hindi ibig sabihin [na] hindi na tayo puwedeng mangarap ulit,” sabi ni Sophia Argana, mag-aaral ng  Bachelor of Science in Psychology sa Polytechnic University of the Philippines - Manila.


Para sa nakararami, ang kolehiyo ay nagsisilbing pintuan na dapat daanan upang makatawid patungo sa mas maliwanag na hinaharap. Ngunit, sa bawat kursong hindi natapos o naipagpatuloy, nakakubli ang mga pangarap na hindi nabigyan ng pagkakataong magbunga.


“Siyempre sobrang lungkot. Gusto ko kasing pag-aralan kung ano ‘yong gusto ko talaga, ganoon din naman yata lahat? Dagdag pa ‘yong pressure na baka mag-fail ako kasi parang hindi ako sobrang dedicated ngayon.”

Bukod sa matagumpay na kinabukasan na hain ng kolehiyo, sinisimbolo rin nito ang mga pagsubok na kung minsan ay hindi kayang lampasan. Ilan sa mga dahilan kung bakit madalas na nagbabanggaan ang ambisyon at reyalidad na nagiging mitsa ng pagkamatay ng ilang mga pangarap ay ang kakulangan sa pinansyal na suporta, mga personal na hamon, at limitadong oportunidad.


“Malaking factor ‘yong financial support lalo na sa pag-aaral. I'm planning to pursue nursing before pero halos lahat ng schools na nag-o-offer ng nursing is may tuition fee. Nag-try rin ako sa public school malapit sa amin pero limited slots lang din. Kaya hindi ko na rin tinuloy since ‘yong kapatid ko na lang ang nagpapaaral sa’kin,” saad ni Argana.


Dagdag pa rito ang marahang introduksyon sa mas malalalim at malawak na responsibilidad. Ito rin sa ilan ang panahon kung kailan tayo ang siyang magtataguyod para sa pangangailangan ng mga mahal natin sa buhay.


“Kasi nababanggit ng mother ko and my brother also na malapit na nga raw ako maka-graduate, makakapagpahinga na raw sila. Matutuloy na rin ng kapatid ko ‘yong magtrabaho sa field na gusto niya. So kung mag-aaral pa ‘ko ulit, baka hindi na ako maging practical? It's like habang buhay na lang ba ako aasa sa kanila?”


Mga Hakbang na Naantala


“May mga bagay talagang hindi natin makukuha kahit gaano pa natin kagusto, kung hindi para sa atin, ay hindi para sa atin. Natutuhan ko rin  ‘yong tungkol sa pangarap at reyalidad. Also, rejection is indeed a redirection,” banggit naman ni Katrina Moreno, mag-aaral ng Bachelor of Science in Business Administration, Major in Financial Management.


Para naman kay Katrina, nakakintal ang pagkabigo sa ating mga buhay. Maaaring isa itong hadlang upang makamit ang ating mga pangarap, ngunit posible rin itong maging pinakamabisang guro sa ating buhay bukod sa karanasan.


“First choice ko talaga ‘yong Accountancy pero napunta ako sa second choice ko which is sa [Financial Management]. Since quota course ‘yong Accountancy, mahirap talagang makasecure ng slot. Mas nakakalungkot pa kasi nagkaroon pa ng another batch ng mga nakapasok sa [BS Accountancy] na galing sa [waitlist]. Sabi ko na lang sa sarili ko, "sana nasa [waitlist] na lang ako,” ani ni Katrina.

Isa rin itong paalala na ang buhay at daan patungong katagumpayan ay hindi nananatiling tuwid—ito ay puno ng mga hindi inaasahang lubak na magtuturo ng pagtitiis, pagiging malakas, at lilikha ng mga bagong pananaw.


“Okay naman ako sa course ko. Though iba pa rin talaga siguro ‘yong magiging strategy ko sa pag-aaral since hindi ka puwedeng petiks lang kapag sa Accountancy ka pero siguro para talaga ako sa [Financial Management] kasi baka ‘di kayanin ng mental health ko doon sa Accountancy. Another thing is [naging] working student ako noong 2nd year ako na tingin ko hindi ko magagawa if natuloy ako sa dream course ko,” dagdag pa niya.


Sa bawat pagtanggi at pagkabigo madalas nagmumula ang redireksiyon—isang pagkakataong tumingin sa iba pang mga landas na maaaring mas angkop sa ating kakayahan at layunin. 


Ang mga pagkukulang ay hindi laging nangangahulugan ng pagtatapos; minsan, ito’y simula ng mas magandang direksiyon na hindi pa nakikita.

Malayo pa, ngunit malayo na


“Ngayon ay nasa BA Journalism ako, wala ito sa top 5 ko sa application form pero masaya naman ako, hindi rin ako nagsisisi na ito ang kursong pinili ko kahit na tila ba ay sobrang malayo sa mga nasa listahan ko, pero dahil nandito na ako sa BAJ, dito muna ang focus ko, ito ang tatapusin ko,” sabi ni Diana Lei Silvestre, freshman sa kursong Bachelor of Arts in Journalism.


Sa bawat hamon na dumarating sa atin, natututuhan nating bumangon at huwag magpadaig sa mga kabiguang ito. Lagi itatak sa isip at puso na ang buhay ay maaaring paulit-ulit na hadlangan ng tadhana at maantala ang pag-usad, ngunit hindi ito sapat na rason upang tuldukan agad.


Hindi lamang sa isang kurso sa kolehiyo nasusukat ang tagumpay, mas matimbang dito ang kakayahan nating umangkop at mamayagpag anuman ang sitwasyong ating kinalalagyan. Dito, mauunawaan din na ang bawat hakbang, hindi man inaasahan, ay bahagi ng mas malaking plano na maghahatid sa atin sa tamang lugar.


“Kahit hindi ko nakuha ang pangarap kong kurso, thankful akong masaya ako sa landas na tinahak ko ngayong kolehiyo.”

Reyalidad at Ambisyon


“Sa murang edad, plinano ko na kung anong kurso ang kukunin ko pagdating ng kolehiyo. I was 18 or 19 when I decided that teaching is my passion. I came up with this quote: lagi’t lagi para sa kabataan. Pero nang tumapak ako sa edad na 22 at hindi nakuha ang kursong plinano, na-realize ko na ganito kahirap ang reyalidad,” saad ni Kath, hindi niya tunay na pangalan.


Isang malaking dagok sa bawat isa ang katotohanan na minsan ay limitasyon ng reyalidad na mismo ang hahadlang sa atin, sa kakayahan, oportunidad, at kung minsan ay labas sa ating kontrol. Totoong libre ang mangarap ngunit magastos at masakit ang mabigo.


“Actually, nandito pa rin ‘yong kagustuhan kong magturo and hindi naman ako sumuko just because hindi ko nakuha ‘yong gusto ko talagang program. Thankful ako sa mga nakilala ko sa apat na taon ko sa Sociology. Marami akong natutuhan,” saad ni Kath


”Masaya ako at tulad nga nang lagi naming sinasabi, ito ay para sa Bayan.”

Hindi man natin makuha ang pinaka pangarap, may mga pagkakataong higit pa sa inaasahan natin ang ating matatagpuan—isang paalala na ang reyalidad, bagama’t malupit minsan, ay nagdadala pa rin ng biyaya.


Ngunit kailan nga ba natin masasabi na tayo ay nabigo? May mga pamantayan ba ito?


Sa paghihinuha, hindi katapusan ng buhay ang kabiguan. Kung tayo ay susuko, doon lang natin masasabi na talagang hinayaan nating mamatay ang ating mga pangarap. Ang bawat pagkatalo ay pagkakataon para matuto at magpatuloy, kaya’t ang tunay na kabiguan ay hindi nakasentro sa pagbagsak, kung ‘di sa pagtigil nating sumubok at magsimula muli. 


John Edmar Pineda is a Culture writer and Photojournalist of 4079 Magazine. A fourth-year Journalism student from PUP-Manila and currently an intern for PinoyWeekly.


45 views0 comments

Commentaires


bottom of page