top of page

Sa Pagitan ng Pag-asa at Pagkawasak: Ang Tumitinding Krisis sa Kalikasan sa Bansa

Mery Anne Alejandre


Sa patuloy na pag-unlad ng bansa, sa bawat nagtataasang mga gusali, at mga maunlad na industriya, kung dadamhin ang  bawat ihip ng hangin, and bawat agos ng tubig, at ang bawat pagkaluskos ng tuyong dahon sa kagubatan, tila nagbabadya ang isang trahedya—ang unti-unting pagkamatay ng kalikasan. Isang panganib para sa bansang minsang tinaguriang perlas ng silangan.


Sa gitna ng pagbabadyang ito, inilahad ni Green Party of the Philippines national president at environmental defender David D’Angelo ang masaklap na kalagayan ng kalikasan sa Pilipinas at sa agarang pangangailangan para sa pagbabago nito.


“Hindi pwedeng dumating and ‘death of environment’ dahil ibig sabihin nito ay ang pagwawakas din ng pamumuhay ng tao sa mundo,” banggit ni D’Angelo sa 4079 Magazine.


Aniya, walang saysay ang buhay ng tao kung wala ang pinagkukunan ng buhay at hanapbuhay—ang kalikasan.


Lagay ng kalikasan


Ibinahagi ni D’Angelo ang tumitinding banta ng climate change at environmental degradation na nagpapatunay na nahaharap ang Pilipinas sa malawakang pagkasira ng kalikasan at likas na yaman na maaaring humantong sa tuluyang pagkamatay nito.


"Lumalala at dumarami ang mga pagmimina sa ating bansa, kabilang na ang mga operasyon sa Homonhon Island, Sibuyan Island, Brooke's Point Palawan, at Dinagat Island," pahayag niya. 


Dagdag pa niya, ilang infrastructure projects ang patuloy na nakasisira sa natural na daloy ng kalikasan at nagdudulot ng matinding pagbaha sa iba’t-ibang mga rehiyon.


Batay sa mga datos na kanyang ibinahagi, nawawalan ang bansa ng humigit-kumulang 47,000 ektarya ng forest cover taon-taon habang mas mababa sa 24 na porsyento na lamang ang natitirang orihinal na kagubatan. Bukod dito, 57% ng mangrove forests ang naglaho sa nakaraang 23 taon dahil sa land conversion at illegal logging.


Sa nagdaang taon, hinagupit din ang bansa ng nagdaang bagyo gaya na lamang ng Bagyong Carina at Enteng kung saan nag-iwan ng matinding hagupit at pinsala sa maraming bahagi ng bansa. 


Maging ang karaniwang lugar na hindi mabilis abutin ng baha ay nakaranas ng matindi at mabilis na pagtaas ng tubig  gaya na lamang ng probinsya ng Rizal, isang bulubunduking lalawigan na nasa paanang bahagi ng ng Sierra Madre. Isa ang sitwasyon na ito sa pagpapaalala na nababawasan ang mga puno at nagbabadya ng makalbo ang ilang bahagi ng kagubatan.


Kapansin-pansin sa ilang mga ipinakitang satellite images ng ABS-CBN ang ilang lugar sa Rizal na kulang na sa puno, siyang pinunong sanhi ng mas mabilis at mabigat na pinsala kumpara sa iba pang mga bagyo gaya ng Bagyong Ondoy noong 2010. 

 

Mas maraming buhay ang malalagay sa panganib, at mas maraming lugar sa Pilipinas ang lulubog. Titindi rin ang paggutom at dadami ang may sakit,” paliwanag ni D’Angelo.


Tumitinding krisis


Sa sektor ng pangingisda, ang pagkasira ng mga coral reefs at mangroves ay direktang nakakaapekto sa kanilang mga kabuhayan. Dagdag pa ang polusyon sa hangin at tubig na nagdudulot ng iba't-ibang sakit sa mga mamamayan.


"Sa patuloy na pagkasira at pagkawala ng kalikasan ay lalong titindi ang krisis sa klima," babala ni D'Angelo. 


Gaya ng mga nagdaang taon, naging mas madalas at matindi ang mga bagyo, pag-ulan, at pagbaha sa iba't ibang bahagi ng mundo, kabilang na ang ating bansa. Ang mga ito ay hindi na lamang ordinaryong mga kaganapan bagkus malinaw na palatandaan sa lumalalang krisis ng klima at pagkawasak ng  kalikasan.


Kilala ang  Pilipinas bilang isa sa mga bansa na may pinakamayamang biodiversity, lalo na sa larangan ng yamang dagat. Ipinaliwanag pa ni D’Angelo na karagatan ang kauna-unahang maaapektuhan dahil magiging sanhi ito ng coral bleaching at ng pagkawasak ng mga coral reefs—direktong dahilan ng pagbagsak ng populasyon ng mga isda at maaaring magdulot ng tuluyang pagkawala ng ilang species nito. Maging ang industriya ng agrikultura ay maaaring maapektuhan gaya ng pagtubo ng mga pananim.


Ang pinakadelikado sa ating bansa ay ang mga yamang dagat,” saad ni D’Angelo. Dagdag pa niya, ang pagbabago ng klima, overfishing, at ang patuloy na sigalot sa West Philippine Sea ay ilan lamang sa mga dahilan ng mabilis na pagkasira ng ating yamang dagat.


Dagdag pa rito, lubhang titindi ang krisis sa klima at kabilang dito ang pagtaas ng bilang ng mga sakit na may kinalaman sa kalikasan kabilang na ang mga zoonotic diseases dala ng polusyon sa hangin, tubig, at lupa. Kasama na rin ang pagkawala ng pinagkukunan ng tubig, kakapusan sa pagkain, at mass migration. 


Hindi rin malabo ang hudyat ng digmaan sa paglalaban sa mga natitirang likas-yaman at kakapusan sa maraming pangunahing pangangailangan. Maaring pati ang pagbagsak ng mga pamahalaan at kaayusan sa buong mundo, at higit sa lahat, ang malawakang pagkalipol ng sanlibutan.


Bakit patuloy ang pagkasira ng Inang Kalikasan?


Sa kabila ng mga pagsisikap ng iba't ibang sektor upang pangalagaan ang kalikasan, patuloy pa rin ang pagkasira nito sa bansa at para kay D’Angelo, isa sa mga pangunahing sanhi ng problemang ito ay ang kakulangan sa malinaw at matibay na mandato ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).


"Naniniwala ako na kung ang pangunahing mandato nito ay mangalaga, payabungin, at ayusin ang kalikasan ay agarang magiging maayos ang ating bansa," paliwanag niya.

Bukod sa kakulangan ng malinaw na implementasyon, pinalalala pa ng korapsyon ang sitwasyon. 

 

Iilan lamang ang may sapat na political will na lider sa ating bansa. Isa sa pinakamatindi riyan ay si Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, kabilang na si Mayor Magalong ng Baguio City, ngunit bukod sa kanila ay tila wala sa prayoridad ng marami ang unahin ang kapakanan ng kalikasan at ng mga problemang kinakaharap nito,” paglalahad ni D’Angelo.


May usad at pagpapahalaga ba sa Environment Law?


Bagamat may mga umiiral na batas pangkalikasan, malaki pa rin ang pagkukulang sa pagpapatupad nito. 


Isa sa hindi maayos na implementasyon ng batas ay ang Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003), kung saan ilang dekada na ang lumipas mula nang maisabatas ito, subalit hanggang ngayon ay marami pa rin ang hindi sumusunod sa tamang segregasyon ng basura. 


Isa pang malaking isyu ay ang mabagal na paglipat ng bansa mula sa paggamit ng fossil fuels patungo sa renewable energy. Bagamat naisabatas na ang Renewable Energy Act (RA 9513) noong 2008, nananatili pa rin tayong nakadepende sa fossil fuels. 


Bukod pa rito, isa pang mahalagang batas na tila napabayaan ay ang Environmental Awareness and Education Act (RA 9512) na naglalayong isama ang environmental education sa kurikulum ng mga paaralan. 


Ngunit para kay D’Angelo, marami pa ring mga guro at administrador ng edukasyon ang hindi pa rin lubos na pamilyar sa batas na ito na siya sanang pundasyon para sa isang mas matibay na kamalayan at malasakit sa kalikasan.


Tinukoy rin ni D’Angelo ang kawalan ng parusa para sa mga lumalabag sa batas sa pagsira ng kalikasan. 


Kung magiging krimen ang pagsira sa kalikasan, sa palagay ko ay mas mapapabilis ang pagpapatupad nito,” diin pa niya. 


May pag-asa pa ba?


Naniniwala si D’Angelo na may pag-asa pa upang muling maibalik ang sigla ng kalikasan kung magkakaroon ng malawakang pagtutulungan. Marami mang mga pagkukulang at mga proyektong hindi naisasakatuparan, malaking bagay na may ilan pa ring naniniwala sa pagbabalik ng mala-paraiso at luntiang kapaligiran. 


Ipinagmamalaki ni D’Angelo ang pamumuno ni Mayor Joy Belmonte sa Quezon City kung saan ipinakita niya kung paano maaaring bigyang prayoridad ang kalikasan sa gitna ng urban development. Maging sa Albay, nangako ang local government na lilipat sa 100% renewable energy ang kanilang bayan. Hindi rin nagpahuli ang Oriental Mindoro kung saan ipinatupad ang Provincial Mining Moratorium para protektahan ang kanilang likas na yaman.


Malaki ang papel ng bawat mamamayan at sektor ng pamahalaan upang agapan ang kasalukuyang kalagayan ng kalikasan. Kaya naman  iminungkahi ni D’Angelo sa gobyerno na magdeklara ng “national climate emergency” upang unahin ang pagtugon sa krisis sa klima, itigil ang malawakang pagmimina pati na rin ang illegal logging, at isulong ang deurbanization.


Iminungkahi rin  ni D'Angelo para sa mga mamamayan ang mga simpleng hakbang tulad ng pagtitipid sa paggamit ng tubig at kuryente, umiwas sa fast-fashion, magtanim ng puno, at mag-segregate ng basura. At higit sa lahat, hinihikayat niya ang mga Pilipino na bumoto ng mga pinunong may malasakit sa kalikasan. 


Para sa mga susunod na henerasyon


Ang pagpapahalaga sa kalikasan ay hindi lamang responsibilidad ng iilan o ng mga nasa posisyon kundi ng bawat mamamayan. Sa pamamagitan ng kolektibong aksyon at tamang pagpapatupad ng batas, maaaring maipasa ang isang mas malinis at mas masaganang Inang Kalikasan sa susunod na henerasyon.


Para kay D’Angelo, “Ang kalikasan ay buhay. Ang kalikasan ay ating kinabukasan. Huwag nating hayaan na ipanakaw ang ating bukas.”



Mery-anne Alejandre is a news feature writer and a member of the Production team at 4079 Magazine. Currently a fourth-year BA Journalism student at PUP Manila, she previously interned at PressOne.PH, where she specialized in fact-checking and news writing. She believes that journalism’s true power lies in its ability to connect people to the truth and spark real change.


10 views0 comments

Related Posts

See All

コメント


bottom of page