Tawag ng Pangangailangan: Ang mga Hamon sa Buhay ng Isang Embalsamador
- Juaymah Renoah Izzy Ferrer
- Jan 20
- 4 min read

Sa komplikadong mundong ating ginagalawan, naranasan mo na bang makatrabaho ang mga wala ng buhay na nilalang? Mga malalamig ang katawan, mga bangkay na hindi na gumagalaw, at madalas kinakatakutan ng lahat? Isang trabaho na kailangang pasukin labag man sa kalooban ay kailangang gawin. Hindi maiiwasang tiisin para mabuhay at may ihain sa mesa para sa pamilya.
Halimbawa na lamang ng trabahong ito ay ang pagiging “embalsamador” o “mortisyan”. Kaya mo ba itong pasukin kahit ang mga patay ang iyong tatrabauhin?

Si Mark Anthony Vivero, 41-anyos, nakatira sa probinsya ng Camarines Sur, ay naging katulong ng embalsamador sa puneraryang kaniyang pinagtatrabahuhan. Taong 2003 nang simulan niya ang ganitong uri ng trabaho. Tumutulong siya sa pag-eembalsamo, pagbibihis ng patay, paglalagay ng bangkay sa kabaong, pagmamaneho ng karo, at kahit ang pagbubuhat ng kabaong kapag may libing. Ilan ito sa mga karaniwang gawain niya sa loob ng punerarya.
Ang trabaho na mayroon si Mark ay talaga namang hindi madali sapagkat iilan lamang ang taong may lakas ng loob humawak at mag-ayos ng bangkay.
“Tawag ng pangangailangan. May pamilya. Nandiyan na yung trabaho na malapit lang sa pamilya. Yung sahod naman, sapat para [sa] pangangailangan,” sambit niya.
Pangangailangan. Ito ang madalas na nagiging rason upang mag-udyok sa mga bagay na hindi natin aakalaing magagawa natin.
“Hindi lahat ng tao kayang humawak ng patay. Yung trabahong ‘to, kami ‘yong gumagawa ng mga bagay na kinatatakutan ng iba. Parang nakakatulong para may marangal na burol yung tao,” dagdag pa niya.
Nabanggit din ni Vivero na kailangang sumabak sa pagsasanay ang isang mortisyan bago ito tuluyang humawak at mag-ayos ng bangkay.
“Kailangan [mag-training], kahit katawan na lang ‘yan, kailangan may pagrerespeto pa rin. Kaya tinuruan din muna kami. Sa una, titingin-tingin ka lang muna, [tapos sunod na yung] tuturuan ka.”
Naibahagi niya rin na ang pinaka importante na dapat na baunin ay ang lakas ng loob sa pagharap sa hindi mabilang na bangkay.
“Syempre mga patay ‘yong trabaho mo, ‘pag mahina ka hindi ka pwede. Yung ibang skills, matututunan mo na lang ‘yan habang tumatagal sa trabaho.”
Dagdag pa niya na sa tuwing nilalagyan nila ng formalin ang katawan ng patay ay upang ito’y mapreserba na kung minsan ay hindi maiiwasang madampian o malagyan ang kanilang kamay na inaabot ng ilang araw bago tuluyang mawala. Sa tuwing namimitas siya ng kanilang tanim sa likod-bahay, namamatay na agad ang parte ng tanim na kaniyang mahahawakan, senyales kung gaano katapang ang formalin at tanda ito ng epekto sa pang-araw-araw na buhay ni Mark.
Kalaunan ay dumating na ang panahong kailangan na niyang bumitaw at maghanap na ng ibang pagkakakitaan dahil sa lubos na pangangailangan. Patagal nang patagal, pahirap na rin nang pahirap ang buhay. Nang sumapit ang taong 2009, nilisan niya ang unang punerarya na kaniyang pinagsilbihan.
Sa loob ng anim na taong pag-aayos ng mga katawan at pagserbisyo sa mga yumao, mas pinili ni Mark na umalis sa kaniyang trabaho.
“Habang tumatagal, lumalaki rin ang gastos. Dumating sa puntong hindi na sapat ang sinasahod. Hindi naman sa lahat ng oras [ay] may patay. Kaya kapag wala, tengga kami, walang sahod. Kasi arawan ang sahod namin,” saad nito.
Naikuwento rin niya na masaya sila sa tuwing may patay, dahil kapalit ng luha ng pamilyang naghatid sa bangkay ay kanilang kita upang may maihain sa hapag. Kakaiba ito para sa karaniwan dahil wala namang tao ang masaya tuwing may nawawala sa buhay nila. Ngunit, hindi natin sila masisisi dahil sa kabila ng lahat, ito ang bumubuhay sa kanilang pamilya.
Sa anim na taong pagtatrabaho kasama ang mga labi ng mga namatay, pati siya ay hindi rin nakaligtas sa nakatataas-balahibong karanasan sa loob ng punerarya.
“Minsan kapag nasa punerarya lang may mga nagpaparamdam. May mga walis na biglang gagalaw. May kung anu-anong kalabog.”
Sa totoong takbo ng buhay, wala naman talagang madaling trabaho para kumita ng pera. Bawat trabaho na ating pinipili aymay kaniya-kaniya ring pangangailangan.
“Buhay ‘yong mga katrabaho nila, kami noon bukod sa amin na iilang nagtatrabaho sa punenarya, puro na patay [ang] kasama namin sa trabaho.”
Bakas sa mga salitang binitawan ni Mark ang hirap ng pagtatrabaho kasama ang mga pantay na ang mga paa.

Gaano man kahirap mabuhay sa mapait na mundo, ang bawat trabaho na mayroon tayo ay karapat-dapat ipagmalaki. Ito man ay maliit o malaki, karaniwan o kakaiba, kasama man ang mga buhay o ang patay, walang dapat ikahiya hangga’t ito ay marangal at bukal sa puso ang ginagawa.
Sa panahon ngayon, sapat na ang magkaroon ng trabahong magbibigay ng pagkain at makakapagpabuhay ng ating pamilya. Isa sa patunay si Tatay Mark dahil hindi siya nagdalawang-isip na pasukin ang hindi pangkaraniwang trabaho sa kabila ng malagim na katangian at nakakatakot na kakabit ng gawaing ito.
Sa punto de bista ng mga nagtatrabaho sa industriyang ito, mahalagang tandaan na ang bawat katawang pumapasok sa punerarya ay minsan ding naging makabuluhan habang sila ay nabubuhay pa.
Juaymah Renoah Izzy Ferrer is a Lifestyle writer of 4079 Magazine. A fourth-year Journalism student, a social media writer and intern from Inquirer.net.
Comments