top of page

Ang Pangarap kong Burol

Writer's picture: Gerie Marie ConsolacionGerie Marie Consolacion



Gen Z ako. At oo, kapag nahihirapan ako nagiging bukambibig ko ang mga katagang, “Mamatay na lang.” Ngunit sa kabila nito, kahit na kagustuhan ko rin kung minsan, may mga pagkakataon na napapailing na lang ako at napapasabing, “Kaya ko ‘to.” Dahil totoo naman, mas kakayanin ko na lang ang hirap, bigat, at pasakit ng araw-araw na pagbangon kaysa kamatayan. 


Hindi ako takot mamatay dahil mas takot ako sa gastusin kapag namatay na ako. 


Dahil sa tuluyang pagtaas ng mga bilihin sa bansa, sinubukan kong kalkulahin kung magkano ang magagastos kung mamamatay ako. Isipin mo ‘yon—’yong isang buwan kong sahod, kulang pa sa pambayad sa mga pangunahing serbisyo ng punerarya. 


Dagdag mo pa ang mga gastusin sa bulaklak, sa pagkain ng mga bisita sa loob ng isang linggong burol, at syempre, ang presyo ng lupang yayakap sa akin sa huli. Ang bawat detalye ay parang mistulang isang pasakit, na nagpapaalala na kahit sa kamatayan, wala akong pahinga. Parang ang sakit ng buhay ay hindi natatapos, kahit sa huli, may mga gastusin pa ring nakaabang.


Humigit kumulang Php 500,000 din ang kakailanganin ko bago ako mamatay, ilang overtime kaya ang gagawin ko para makapag-ipon ng ganoon kalaking pera? 


Habang ang ibang tao ay nag-iisip tungkol sa mga pangarap at plano, ako, nag-iisip kung paano ko mapapanday ang aking sariling pag-alis. Parang napakahirap—na kahit sa huli, ang buhay ay may presyo na kailangan kong bayaran.



Gusto kong kabaong, kulay pink 

Marami akong pangarap sa aking burol. Gusto kong tumaliwas sa mga nakasanayan, ayoko ng kulay puti o kulay gintong kabaong. Kung maaari ay pink, ayoko ng glossy, gusto ko ‘yong pinaghalong glossy at matte. Bukod dito, ayoko ng pink lipstick dahil hindi ito bagay sa skin tone ko; gusto ko, medyo maroon. Light make-up lang, dahil ‘yon ang bagay sa akin. Huwag kalimutan ang primer bago ang lahat—gusto ko ang huling alaala ko ay hindi lang maganda, kung hindi ang tunay na ako. 


Pagdating sa suot, ayoko ng dress—nasuot ko na lahat ng gusto kong dress habang nabubuhay pa ako. Gusto ko ng women’s suit, mababa ang neckline at medyo oversized, pero hapit sa baywang. Para kahit sa huling outfit ko, “slay” pa rin ako.


Huwag kalimutan i-spray sa akin ‘yong favorite kong pabango, ang Jo Malone Pear & Freesia. Gusto ko ang huling alaala ko ay puno ng akin at ng mga bagay na nagpasaya sa akin.


Ano pa ba? 


Ah, gusto ko rin ang isang linggong burol ko ay sa isang maaliwalas na lugar, ayoko nang madilim, ayoko ng air conditioned na silid, lamigin kasi ako. Ngunit ayoko rin namang iburol sa tabi lang ng kalsada; hindi naman ako public viewing. Kung maaari, gusto ko sa itaas ng bundok o sa isang lugar na malapit sa kalikasan. Isang huling pahinga na puno ng liwanag at tahimik na kagandahan.


Dagdag ko rin, ayoko ng burol na may karaoke at sugal. Ayoko ring pag-usapan kung gaano ako kahalaga sa buhay niyo; ituring niyo ang burol ko bilang isang lugar kung saan maaari kayong magsama-samang muli.


Posible kaya ito? Mukhang hanggang pangarap lang siya, dahil base sa serbisyo ng St. Peter, papalo ng Php 53,000 ang pinakamababang serbisyo nila. Kung susumahin, kumikita ako ng P537 sa isang araw, humigit-kumulang apat na buwan ang kailangan para makapagtabi ng ganitong halaga.


Parang ang hirap isipin—na kahit sa huli, ang mga pangarap ko ay magiging pasakit. Ang lahat ng ito ay tila isang malupit na biro ng buhay, kung saan ang mga nais ko ay hinahadlangan ng realidad.


Hindi ako takot mamatay dahil mas takot ako sa gastusin kapag namatay na ako. 

Ayoko ng tulips, sampaguita, o lotus flower

Kung tutuusin, huling isang linggo ko na lang ‘to, eh, titipirin ko pa ba ang sarili ko? 


Gusto ko ulit subukin ang kinasanayan, ayoko ng bulaklak na nakapaligid sa akin ay gumamela, sampaguita, tulips, o lotus. Masyado na silang sikat at mahahawakan ko naman sila sa buong buhay ko, sana sa huling linggo ko, kahit ang paboritong bulaklak ko ang ipalibot ninyo sa akin. 


At dahil pangarap ko 'to, gusto kong palibutan niyo ako ng lavender at lily of the valley. Maliliit lang sila, pero ang ganda sa paningin. Alam kong walang magbibigay nito sa akin habang humihinga pa ako—sino nga ba ang magtatangkang alamin ang mga paborito ko?


Kaya kahit sa aking mga huling sandali, sarili ko na muna. 



Ayoko ng kape at sopas

Sa pagkain naman, ayoko ng mga normal na pagkain para sa kanila. Huwag silang bigyan ng kape; hayaan niyo silang humigop ng tsaa o uminom ng malamig na tubig. At kung maaari, Dutch Mill para sa mga batang isasama ng mga kaibigan ko.


Huwag rin kayong magbibigay ng sopas. Cake, mani, suman, at ice cream sana. Gusto ko na sa loob ng isang linggo ay kainin nila ang mga paborito kong pagkain. Lalo na ‘yong mani para mas humaba at tumagal ang pananatili nila sa burol ko. 


Gusto kong ang huling handaan ay puno ng mga ‘di-inaasahang bagay.



Burol o cremation? 

Bago ako mamatay, sisiguraduhin kong nabantayan ko ang presyo ng lupang yayakap sa akin, o kaya ang halaga ng apoy na dudurugin ako hanggang sa maging abo. Parehong mahal—afford ko kaya?


Ayoko rin naman kasing ilibing sa mga apartment sa sementeryo. Gusto ko ng espasyo para sa mga maiiwan kong mahal sa buhay, para kapag dinalaw nila ako, parang bumabalik lang kami sa dati.


Gusto ko ang paligid na puno ng alaala—nakapaikot sa sahig habang nagkukumustahan, parang walang nagbago. Isang huling pagkakataon na maging magkasama, kahit sa ganitong paraan.


Pero grabe ang taas ng presyo. Hindi ko alam kung ang lahat ng magiging sahod ko habang nabubuhay ako ay para sa pagpapatuloy ko sa mundong ito o iaalay ko para sa aking pangarap na burol?


Parang isang masakit na tanong—na kahit gaano ko pa gustuhin ang mga pangarap ko, ang realidad ay palaging nag-aantay. Sa dulo, anong halaga ng buhay kung ang mga pangarap mo ay nagiging pasakit?


Kung puwede sigurong isaboy niyo na lang ang aking abo sa hangin, sa bundok—pero huwag sa dagat, kasi takot ako doon. Kaso, baka makadagdag pa ako sa polusyon kung ipasasaboy ko ang abo ko.


Ano kaya? Anong mas maayos? Anong mas praktikal? 


Buo ang pangarap ko para sa aking burol, pero ito ang hindi ko napaghandaan: ang pangarap kong libing.


Kasi hindi naman ako nangarap na ilibing. Gusto ko lang na patuloy na maging masaya habang nabubuhay. Lasapin ang lamig ng hangin, akyatin ang lahat ng bundok, magpahampas sa alon sa dalampasigan, at tanawin ang libu-libong paglubog ng araw.


Sa kabila ng mga pangarap, ang huli kong nais ay hindi ang pag-alis, kundi ang pagdanas ng bawat sandali na puno ng saya at kagandahan.


Gerie Marie Z. Consolacion is the Managing Editor of 4079 Magazine and has served as the Features Editor of The Communicator (25th and 27th editions) and the 16th President of the PUP Journalism Guild. She is also a writer intern at Village Pipol Magazine, focusing on feature and lifestyle articles.



467 views2 comments

Related Posts

See All

2 Comments


Randolf Maala-Resueño
Randolf Maala-Resueño
Nov 02, 2024

Gusto ko rin kabaong ko 🎀 pink 🎀

Like

jorlandsalando14
Nov 02, 2024

Real! Lahat tayo gusto lang enjoyin yung time natin habang nabubuhay. Grabe yon, congrats boss g!

Like
bottom of page