Bakit Barong Tagalog ang Suot ng Patay sa Pilipinas?
![](https://static.wixstatic.com/media/493546_2db9b337354b4607b1069700661c8cba~mv2.png/v1/fill/w_980,h_535,al_c,q_90,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/493546_2db9b337354b4607b1069700661c8cba~mv2.png)
Natanong mo na ba o kaya’y minsan ay napaisip ka kung bakit sa dinami-rami ng kasuotan sa Pilipinas ay barong tagalog ang karaniwang isinusuot sa yumaong kalalakihan at baro’t saya naman sa mga kababaihan? Isa nga lang ba itong kaugalian, o may mas malalim na simbolismo ito sa kultura ng ating bansa?
Sa kulturang Pilipino, ang burol o lamay ay isang mahalagang bahagi ng paggunita at pagbibigay-pugay sa mga yumaong mahal sa buhay. Kaya naman, ang pagbibihis sa kanila ng pormal na kasuotan ay isang simbolismo ng pagbibigay karangalan at pormalidad sa kanila bilang Pilipino. Bukod dito, itinuturing itong paraan ng pagpapakita ng respeto at pagkilala sa kanilang buhay. Ang kasuotan na barong ay may simpleng disenyo ngunit may dignidad na siyang nagbibigay-diin sa kahalagahan ng kanilang pamana at kontribusyon sa kanilang pamilya at komunidad.
Bukod sa pagiging pormal ng kasuotan, ito ay may pinanghahawakang malalim na kasaysayan. Ang barong tagalog ay nag-ugat pa noong panahon ng kolonyalismo. Maging noong panahon ng mga Espanyol, ang barong ay naging sagisag ng pagiging marangal ng mga Pilipino. Kaya naman, sa mga lamay, ang pagsusuot ng barong sa patay ay tila pagpapatuloy ng tradisyong ito.
Samantala, ang sektor ng relihiyon ay may malaking impluwensya rin sa kaugaliang ito. Bilang isang bansang mayoryang Katoliko, naniniwala ang marami na ang kulay ng barong—kadalasang puti o kulay-kutis—ay sumisimbolo ng kalinisan at kabanalan.
Sa pananampalatayang Kristiyano, ang puti ay tanda ng dalisay na kaluluwa na handa nang humarap sa Diyos.
Hindi rin mawawala sa usapan ang aspeto ng praktikalidad. Alam niyo ba na ang tela ng barong ay gawa sa piña o jusi? Ang telang ito ay magaan at nagbibigay ng maaliwalas na paningin sa yumao. Dahil manipis ito, madali lamang itong naisusuot sa katawan ng patay—na mahalaga sa mga pamilyang nais magbigay ng maayos at disenteng pamamaalam sa kanilang kaanak. Bukod dito, ang simpleng disenyo nito ay nagpapakita ng pagiging maayos habang hindi labis ang karangyaan—isang bagay na pinahahalagahan ng maraming Pilipino.
Nakasulsi rin sa kulturang Pilipino ang pamahiin sa pananamit. Ayon sa mga nakatatanda, ang pagsusuot ng barong ay isang paraan upang tiyakin na ang kaluluwa nito ay matahimik na makapaglalakbay sa kabilang buhay. Naniniwala rin ang ilan na ang pormal na kasuotan ay nagpapaalala na ang huling paglalakbay ng isang tao ay dapat gawin nang may dignidad at respeto.
Ilan lamang ito sa posible pang maraming rason kung bakit nga ba barong ang suot ng patay. Ngunit, isang bagay ang malinaw: sa bawat lamay na ating dinadaluhan, ang tradisyong ito ay isang paalala ng ating pagmamahal at paggalang sa mga yumao, maging sa huling sandali ng kanilang pisikal na presensya.
Sa huli, ang barong ay hindi lamang kasuotang pangpormal–isa itong simbolo ng kasaysayan at pananampalatayang nagbubuklod sa kultura nating mga Pilipino. Sa simpleng anyo nito, naipapahayag ang malalim na respeto at pagmamahal na laging nakaugat sa ating kultura, kahit sa huling pamamaalam at pagtanaw sa kabilang buhay.
Kathlene Galura is the Photojournalism Department Head at 4079 Magazine. Known for her passion and keen eye for photography, Kathlene captures powerful stories through her lens. In addition , she freelances as a photographer, where her work spans diverse projects. Kathlene is also an intern at Village Pipol Magazine as a junior editor, where she also contributes her photography skills to the publication. Her work reflects a deep commitment to visual storytelling and a unique perspective on contemporary issues
留言