top of page

Mga Timplang Alaala: Pagkain sa Lamay sa Iba't Ibang Panig ng Mundo

  • Writer: Juaymah Renoah Izzy Ferrer
    Juaymah Renoah Izzy Ferrer
  • Dec 7, 2024
  • 4 min read


Iba-iba ang pamamaraan ng pagninilay sa libing sa bawat rehiyon, relihiyon, at paniniwala sa loob at labas ng bansa. Marami sa mga ito ay mula pa sa mga lumang tradisyon na patuloy hanggang sa ngayon. Isa na rito ang mga pagkaing inihahanda tuwing lamay, na maaaring kakaiba sa iba ngunit nakaugat sa kultura at nagiging daan upang mapagbuklod-buklod ang komunidad. Halina at tuklasin ang mga pagkaing madalas inihahanda sa lamay sa iba’t ibang sulok ng mundo.



Koliva


Ang koliva ay pagkaing inihahanda sa bansang Russia at ilang bahagi ng Eastern Europe kabilang na ang bansang Greece. Kinagisnan ito bago pa man dumating ang Kristiyanismo na kalaunan ay naging pangunahing putahe bilang kadikit ng tradisyon ng mga relihiyong Orthodox. Ito ay pinaghalo-halong butil at binhi na minatamis sa honey o asukal na hugis krus. Ang bawat butil ay sumisimbolo sa ‘buhay na walang hanggan,’ habang ang mga pasas naman ay kumakatawan sa tamis ng buhay. 



Goat Curry


Ang goat curry sa Jamaica ay nagmula sa mga manggagawang Indian noong ika-19 na siglo. Gamit ng mga ito ang pamamaraan ng currying na siyang ginawan ng sariling bersyon ng mga Jamaican. Ang goat curry ay kadalasang may sangkap na kanin, beans, at pampalasa. Pinaniniwalaan nila na ang mga espiritu ay kakain sa pang-siyam na araw mula nang kanilang pagkamatay, kaya hindi ito dapat galawin hanggang sa dumating ang hatinggabi dahil alay ito para sa namayapa.



Hamine Eggs


Ang haminados o hamine eggs ay isa sa kinagisnan ng mga Jewish-Egyptian na naging bahagi na ng lutuing Hudyo mula noong ika-15 siglo sa Medieval Spain. Ang hamine eggs ay isa nang mahalagang bahagi ng lutuing Israeli. Sa pagluluto ng hamine eggs, pinakukuluan ang itlog sa loob ng 6-18 na oras na isa nang sinaunang pamamaraan. Nilalagyan ng balat ng sibuyas at coffee grounds ang tubig na pinagpapakuluan nito na siyang nagbibigay ng kayumangging kulay.



Funeral Potatoes


Naimbento ang funeral potatoes sa Utah at naging tanyag sa Estados Unidos noong kalagitnaan ng 1900s. Tinawag itong “funeral potatoes” dahil ito ay karaniwang inihahain bilang  side dish sa mga tradisyonal na hapunan sa libing. Dagdag pa rito, inihahain din ito ng mga Mormons tuwing Latter-day Saints at naging parte na rin ng kaugalian na binibigay tuwing may lamay. Ang funeral potatoes ay pinagsamang patatas o hash brown, sour cream, mantikilya, keso, cream, at manok o mushroom soup. Karaniwan itong nilalagyan ng toppings na cornflakes o bread crumbs.



Pan de Muerto


Ang pan de muerto ay nangangahulugang “bread of the dead” isang uri ng tinapay na inihahanda tuwing Dio de los Muertos o Day of the Dead sa buwan ng Nobyembre. Ito ay nagmula sa panahon ng pananakop ng Espanya sa Mexico noong 1500s. Nang dumating ang mga Espanyol, natakot sila sa katutubong tradisyon ng paghahain ng tao upang magpasalamat sa magandang ani at iginiit na ang bagong tinapay na ito—isang tinapay na gawa sa trigo na ang tuktok ay kinulayan ng pula upang kumatawan sa puso o dugo—ay ginawang halili sa ritwal ng human sacrifice.


Inaalay rin nila ang tinapay na ito sa mga namayapa nilang mahal sa buhay. Tulad ng koliva, may hugis krus din sa ibabaw ng pan de muerto na sumisimbolo sa mga buto ng yumao. Nilalagyan ito ng asukal at madalas ay gumagamit ng prutas na orange o anise bilang pampalasa.



Lau Lau


Ang lau lau ay nangangahulugang “leaf leaf.” Sa kultura ng Hawaii, ang mga dahon ay may kahalagahang pangseremonya at panggamot dahil itinuturing itong may kapangyarihang proteksyon at pinaniniwalaang nagtatanggal ng negatibong enerhiya. Kadalasan din makikita itong inihahanda ng mga Hawaiian kapag may lamay. Ang lau lau ay maanghang na pagkain, maaaring baboy, manok, o kahit gulay na nakabalot sa dahon ng gabi na niluluto sa pressure cooker o kaya ay pinasisingawan.



Bún bò Huế


Naimbento ang bún bò huế noong 1600s na madalas na inaalok sa mga lamay bilang bahagi ng kulturang Vietnamese. Ang bún ay nangangahulugang “noodle,” ang  naman ay beef, at ang Huế ay isang lumang siyudad sa Vietnam kung saan nagmula ang putahe, partikular na sa maliit na nayon ng Van Cu. Sa kabuuan, maaari itong tawaging “Beef noodle from Hue.” Kilala ang bún bò huế sa malinamnam at maanghang na sabaw nito na madalas ay sinasahugan ng karne ng baka at vermicelli, at kung minsan ay sinasamahan din ng dugo ng baboy.



Kape, Biskwit, at Candy


Ang kape, biskwit, at candy ay ilan sa pagkaing hindi mawawala sa lamay sa Pilipinas. Karaniwang inihahanda ang kutkuting pagkain upang hindi mainip ang mga nakikiramay. Madali itong ihain at abot-kaya, kaya’t naging bahagi na ito ng kultura at tradisyon ng mga Pilipino. Ang kape at biskwit ay madalas na magkadikit dahil itinuturing na pampagising sa magdamagang lamay. Pinaniniwalaan din ipinagbabawal ang pag-uuwi ng kahit anong pagkain mula sa lamay, sapagkat nagdadala ito ng masamang premonisyon.


Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga paniniwala, kultura, at nakasanayan ng mga tao sa iba’t ibang bansa, iisa lang ang nais nilang iparating: ang iparamdam ang patuloy na pagmamahal at pag-alala sa mga naiwang alaala ng mga namayapa nilang mahal sa buhay. 



Juaymah Renoah Izzy Ferrer is a Lifestyle writer of 4079 Magazine. A fourth-year Journalism student, a social media writer and intern from Inquirer.net.


Comments


bottom of page