Pagkilala sa Kalag: Isang Sulyap sa Kultura ng Pangasinan
![](https://static.wixstatic.com/media/493546_f9852873525044acaeeded834e13fd08~mv2.png/v1/fill/w_980,h_534,al_c,q_90,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/493546_f9852873525044acaeeded834e13fd08~mv2.png)
Tulad ng ibang pamilya, nasubukan na rin namin ang mawalan ng mahal sa buhay. Lubhang napakasakit harapin ang katotohanang ang tanging alaala na lamang nila ang ating kasama—dala hanggang sa tinakdang oras ng ating buhay. Ang tanong ko lang, paano niyo sila inaalala?
Habang pinag-iisipan, bilang isang Pangasinense ay hayaan mong ilathala ko sa’yo ang mayamang tradisyon ng aming probinsya kung paano nga ba namin inaalala ang kanilang kaluluwa.
Ang pagkilala sa kalag ay isang tradisyon na naglalaman ng mayaman na pananaw sa kultura, espiritwalidad, at pagkakakilanlan ng mga Pangasinense. Sa tradisyong ito, ang kalag o kaluluwa ng mga pumanaw ay binibigyan ng atensyon sa pamamagitan ng mga panalangin, pag-aalay, at ritwal.
Karaniwang isinasagawa ito tuwing Undas o sa mga espesyal na okasyon ng pamilya, kung kailan naniniwala ang mga tao na muling dumadalaw ang mga yumaong mahal sa buhay.
Sa Pangasinan, sa bawat kandila na aming sinisindihan at panalangin na dinarasal, ang kalag ay hindi lamang bahagi ng isang nawalang nakaraan—isa itong simbolo ng patuloy na ugnayan sa pagitan ng mga buhay at ng mga yumao.
Sa kulturang Pangasinense, ang kamatayan ay hindi dulo, kundi isang pagbabago ng anyo ng pag-iral.
Isa sa mga karaniwang gawi ay ang atang o pag-aalay ng pagkain para sa kalag. Ang mga pagkaing ito ay karaniwang simple tulad ng kanin, itlog, at mga lutong ulam na marahil paborito o magugustuhan ng kaluluwa ng pumanaw.
Ang mga panalangin, tulad ng pagrorosaryo, ay bahagi rin ng seremonya upang gabayan ang kaluluwa sa kanilang patutunguhan. Kasama na rin sa mga ito ang kanturis kung saan inaalayan ng awitin ang mga yumao tuwing undas, araw ng kanilang kamatayan, at huling araw ng kanyang burol.
Sa ilang lugar naman dito sa Pangasinan, nananatili pa rin ang paniniwala sa mga espiritu ng ninuno bilang tagapagbantay ng pamilya. Ang pagkilala sa kalag ay hindi lamang para sa mga yumao; ito rin ay isang paraan upang humingi ng patnubay, gabay, at biyaya para sa mga nabubuhay.
Subalit sa pagpasok ng modernong impluwensya sa mga probinsya, tulad ng iba ay naging hamon sa Pangasinan ang pagpapanatili ng mga tradisyunal na gawi. Ang iba ay naging mas simple o tuluyang binura na, badya na rin ng pagbabago ng pamumuhay o ‘di kaya naman ay pag-alis sa probinsya ng mga lokal na umaanib sa tradisyong ito.
Sa kabila nito, marami pa rin naman ang nananatiling tapat sa ritwal bilang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan—na hindi lamang tungkol sa mga pumanaw ang tradisyong ito kundi isang paalala sa kahalagahan ng komunidad, pamilya, at pananampalataya. Sa pamamagitan nito, mapapatatag ang pagkakaisa ng mga pamilya, habang naipapasa naman ang mga kaugalian sa susunod na henerasyon.
Sa Pangasinan, ang pagkilala sa kalag ay patuloy na nagpapaalala sa atin na ang kultura ay hindi dapat kalimutan at ibaon sa limot. Ang mga ugat ng tradisyong ito ay nagsisilbing daan upang lubos na pahalagahan ang ating pinagmulan at maipadama ang pagmamahal, hindi lamang sa mga nabubuhay kundi pati na rin sa mga yumao.
Ikaw ba, naalala mo na?
Kathlene Galura is the Photojournalism Department Head at 4079 Magazine. Known for her passion and keen eye for photography, Kathlene captures powerful stories through her lens. In addition , she freelances as a photographer, where her work spans diverse projects. Kathlene is also an intern at Village Pipol Magazine as a junior editor, where she also contributes her photography skills to the publication. Her work reflects a deep commitment to visual storytelling and a unique perspective on contemporary issues.
Comments