Sa Gitna ng Langit at Lupa: Kultura ng Undas sa Pamilyang Pilipino
Sa Pilipinas, ang Araw ng mga Patay ay hindi lamang isang tradisyon—ito ay masalimuot ngunit taimtim na pagsasama ng pananampalataya, kultura, at pamilyang Pilipino. Bawat taon, nagtitipon ang mag-anak sa mga sementeryo upang ipagdiwang ang alaala ng mga yumaong mahal sa buhay.
![](https://static.wixstatic.com/media/493546_733c26ff88fc4a7abcfe738cd556890c~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_653,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/493546_733c26ff88fc4a7abcfe738cd556890c~mv2.jpg)
9 Kilometro: Nag-alay ang mga bisita ng Manila North Cemetery na hindi makauwi sa kani-kanilang mga probinsya sa istatwa ng Pieta para sa kanilang mga yumaong nakalibing sa probinsya. JAYCO CRUZ
Tila muling nabubuhay ang mga alaala ng mga pumanaw sa bawat pag-aalay ng kandila, bulaklak, at mga panalangin—nanunumbalik sila sa bawat kwento. Ang ritwal na ito ay naglalaman ng malalim na kahulugan, hindi lamang bilang isang tradisyon kundi bilang isang pagkakataon upang magkaisa at muling maibalik ang mga naputol na koneksyon sa bawat pamilya.
Ito rin ang araw kung saan ang malayong agwat ng langit at lupa—sa pagitan ng buhay at kamatayan—ay tila naglalaho at numinipis. Sa kabila ng lumbay ng pamamaalam, hindi pa rin mawawala ang pag-asa at ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng mag-anak. Ang bawat panalangin at handog ay tanda ng pag-ibig na hindi kayang burahin kahit pa ng mahabang panahong pagkakawalay.
Sa Pagitan ng Buhay at Alaala: Kwento ng Paggunita
![](https://static.wixstatic.com/media/493546_df6b8f04169a48fe894bb25acf7fe21c~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_653,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/493546_df6b8f04169a48fe894bb25acf7fe21c~mv2.jpg)
Forever in Our Hearts: Taimtim na inaalala ni Nanay Flocerfida, 56, ang kinayang ina sa istatwa ng Pieta sa Manila North Cemetery. JAYCO CRUZ
“Hindi ibig sabihin na nawala sila ay wala na rin sila sa buhay mo. Diyan natin makikita kung mahal mo ‘yong tao kahit wala na. Still, hahanapin mo pa rin siya, kasi ang pagmamahal ay hindi lang nakikita sa salita, kung hindi sa gawa,” saad ni Flocerfida Quiazon, isang anak na bumisita sa puntod ng kanyang yumaong ina sa Manila North Cemetery.
"Kahit alam ko naman na espiritu o labi na lamang, kailangan ay patuloy pa rin bigyan ng halaga, bilang patunay na mahal mo talaga siya,”
Bilang bahagi ng kulturang Pilipino, hindi lamang nakasentro ang paggunita ng Undas sa pagbabalik-tanaw sa mga alaala ng mga yumao at pagpapakita ng paggalang sa kanila. Kahit pa sa kasalukuyang panahon, hindi mawawala ang mga pamahiin at mga kaugalian na naging malaking bahagi na ng kahit na anong selebrasyon sa Pilipinas.
Pag-aalay ng bulaklak (kaliwa), kandila (gitna), at pagkain (kanan) sa mga yumaong mahal sa buhay. JAYCO CRUZ
Ilan sa mga nakasanayang gawi ng mga Pilipino ay ang paglilinis at pag-aayos ng mga puntod, pag-aalay ng kandila, bulaklak, at pagkain para sa mga lumisang mahal sa buhay.
Bagaman mayroon siyang sapat na kaalaman tungkol sa mga pamahiin at tradisyon tuwing Araw ng mga Patay, pinipili niyang huwag maniwala sa mga ito.
“Actually, sa Manila ako lumaki eh, kaya hindi ako masyadong naniniwala sa mga ganyan, mas naniniwala ako na it will happen, pero sinusunod pa rin namin dahil kahit papaano takot kami na mangyari sa amin [‘yong mga sabi-sabi].”
Dahil sa kabilang buhay, sumisigla ang kabuhayan
Hindi limitado sa pagdadalamhati at pagbabalik-tanaw ang konsepto ng Undas kada taon. Para sa mga tindero sa sementeryo, ito ay isang pagkakataon ng pagpapala para sa kanilang kabuhayan.
“Mas mainam talaga [tuwing Undas], kasi kung normal na panahon hindi naman marami ang nagpupunta sa mga sementeryo. [‘Yong] benta namin, minsan ‘di umaabot ng Php400, minsan nabubulukan pa ng mga paninda,” ani ni Teresa Pascual, manininda ng bulaklak sa labas ng sementeryo.
Ayon pa kay Teresa, hindi dapat tuwing araw ng mga patay lang binibisita ang mga puntod, hindi para makabenta sila kung hindi dahil ito ang nararapat.
“Kapag mga normal na panahon, nararanasan talaga naming ‘yong sobrang tumal, na dapat hindi naman. Kasi dapat regular ‘yong pagdalaw natin sa mga mahal natin sa buhay na namatay na, ‘di ba? Eh sa dami ng patay dito dapat hindi kumokonti o nawawalan ng mga bumibisita,” dagdag niya.
![](https://static.wixstatic.com/media/493546_e9d3e75f373944b681738f2d14c5f980~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_653,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/493546_e9d3e75f373944b681738f2d14c5f980~mv2.jpg)
40 Per Kilo: Napangiti sina Chocolate, 9, (kaliwa) at Ryan, 9, (kanan) habang sila ay nangangandila sa Manila North Cemetery. JAYCO CRUZ
Pagpapalang nakakubli rin ang turing sa Undas ng magpinsan na sina Ryan at Chocolate, parehong siyam na taong gulang. Ayon sa kanila, hindi hamak na mas marami ang nakukutkot nilang kandila tuwing araw ng patay kung ikukumpara sa ibang mga araw.
“Umaabot ng [Php100] mahigit ‘yong nabebenta namin. Minsan lumalagpas isang sako, tapos hinahati namin, ‘yong iba pandagdag sa baon tapos minsan binibigay sa magulang.”
Dagdag pa ng magpinsan, kahit hindi matatag ang trabaho ng mga magulang nila ay hindi sila pinipilit na mangolekta ng kandila upang ipagbili.
7 Oras: Bakas sa mga paa at kagamitan nina Chocolate at Ryan ang mga pahid ng pintura mula sa mga puntod na kanilang pinangangandilaan. JAYCO CRUZ
“Nagkukusa na lang po kami para may pangdagdag baon. Hinihintay na lang po namin ‘yung naglalako, ta’s binebenta naming ng Php40 isang kilo, tapos kukuha lang kami pambaon,” saad ng dalawang menor-de-edad.
Kaya naman, masasabing sa kabila ng katapusan at kalungkutan na nakakabit sa kamatayan, kaakibat nito ang pag-asa para sa mga katulad nina Teresa, Ryan, at Chocolate, na itinuturing na isang malaking oportunidad ang pagsapit ng Undas.
Pag-alala, Pag-ibig, at Bagong Panimula
Sa bawat sandaling ginugugol sa mga puntod, muling napapanday ang ating koneksyon sa mga yumao, at ang ating paggunita ay hindi lamang isang pagpaparangal, kung hindi sumisimbolo rin ng pagbabalik-loob sa mga aral at karanasan na iniwan nila sa atin.
Kasama ng pamamaalam, ang Undas ay puno ng pagmamahal na nag-uugnay sa bawat henerasyon. Hindi lamang nagpapakita ng respeto ang pag-aalay ng mga dasal at bulaklak, naipadarama rin nito ang tunay na pag-ibig na hindi kayang tuldukan ng kamatayan.
![](https://static.wixstatic.com/media/493546_a82b2b990853436392e1513ef82341f6~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_653,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/493546_a82b2b990853436392e1513ef82341f6~mv2.jpg)
Siklo ng Pag-asa: Ngiti at halakhak ang bumuhos sa araw ng Undas ng Pamilyang Repullido nang kanilang bisitahin ang kanilang mga yumao sa Manila North Cemetery. JAYCO CRUZ Higit pa sa isang araw ng pagbabalik-tanaw at paggunita ang Undas, simbolo rin ito ng muling pag-usbong—ng bagong pagkakataon. Habang binabalikan ang nakaraan, ang Araw ng mga Patay ay nagsisilbing paalala na ang buhay ay isang walang katapusang siklo ng pag-asa at paglago—kung saan palaging may kasunod na bagong simula ang bawat pagtatapos. Sa ganitong paraan, hindi lamang tanda ng pagkawala ang bawat paglingon sa nakaraan at pagsilip sa mga aral nito, bagkus ay paanyaya na patuloy na maglakbay at simulan ang bagong mga hakbang tungo sa hinaharap.
John Edmar Pineda is a Culture writer and Photojournalist of 4079 Magazine. A fourth-year Journalism student from PUP-Manila and currently an intern for PinoyWeekly.
Comments