Ang Banal na Sentimyento
![](https://static.wixstatic.com/media/493546_b4eae7ffeef94c228c002822110d69c1~mv2.png/v1/fill/w_980,h_551,al_c,q_90,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/493546_b4eae7ffeef94c228c002822110d69c1~mv2.png)
Hindi ko ginustong iligtas kayong lahat.
Marami akong pansariling nais at hindi ko ito nagawa sapagkat natakot ako sa kaakibat nitong kapahamakan. Ipinagkaloob sa akin ang buhay na puno ng obligasyon at responsibilidad magmula pa nang isilang sa mundong ibabaw.
Minahal ko ang mga tao dahil sa masidhing pagsasaalang-alang sa kanila ngunit sukdulan ang naging balik nito sa akin. Hindi matatawaran ng kahit anong salita, ang mga sugat at galos na bumalot sa aking buong katawan maging ang paulit-ulit na tungayaw at pangungutya na umugong sa aking paligid.
Inusig ako dahil sa pagiging perpekto—saksi ang mga butas kong palad at talampakan sa paghihirap na sinapit at pinagdaanan ko. Masakit, mabigat, matinik, nakauuhaw.
Ayaw ko nang maulit pa ang lahat ng ito. Kung mabibigyan man ako ng pagkakataong ibalik ang oras, hinding-hindi ko na gagamitin ang sariling dugo sa pagtubos ng mga katiwaliang bumalot sa inyo. Marurumi pa rin kayong mga nilalang.
Tulad ninyo, napagod din ako ngunit hindi ko nagawang magreklamo. Pinangarap ko ring magkamali sapagkat hindi ko na kayang panindigan pa ang pagtungtong sa pedestal at tingalain ng laksa-laksang mananampalataya.
Pinagkaitan akong abutin ang mga mithiing hinihiling. Minsan ko ring inasam ang mga kamay ni Magdalena at paano kung nagbunga ito? Paano kung hindi nangyari sa akin ang mga karanasang bayolente, may kaibahan kayang magaganap? Bakit kinailangan kong pagdusahan ang hindi ko pagkukulang? Anong mayroon sa akin?
Gusto kong paligayahin ang aking ina pero sa halip ay luha ang nanaig sa kanyang mga mata na parang mga perlas ng hapis na nag-uunahang lumabas, at naging testigo sa kung paano nila nilatayan ang balat ko.
Malinis at dalisay ang pananaw nila sa akin kaya't binibigyang-papuri ang aking ngalan, ngunit kung ako lang ang masusunod, wala akong pakialam sa inyong mga panalangin at pagsamba dahil isa rin akong hamak na indibidwal noong nabubuhay pa.
Bakit kinailangan kong pagdusahan ang hindi ko pagkukulang? Anong mayroon sa akin?
Ngayong bilyon-bilyong tao ang binabantayan ko't tumatawag sa akin, napatunayan kong balewala ang pagkalagot ng aking hininga. Ang pagdurusa't sakripisyo ko ay hindi nagdulot ng pagbabago—makasalanan pa rin ang sanlibutan at mas masahol pa kay Hudas.
Marahil maaari niyong sabihin na biyayang maituturing ang pagiging bugtong na anak ng Diyos at ang pagmamahal ninyo sa akin, subalit sa aking mga paningin, isa itong napakalaking parusa—naging dahilan ito para talikdan ang personal na kapakanan at maging sanhi ng aking pagpanaw.
Sa ikalawa ko sanang pagparito sa lupa, nawa ay mabuhay ako nang payak, normal, at hindi uunahin ang kapalaran ng mga mapang-alipustang tao—dahil lubha na ‘kong pinagdamutan ng tadhana.
…Magandang gabi at Maligayang Pasko sa ating lahat!
Naging mapayapa ang huling misa para sa Simbang Gabi—marami akong natutuhan sa homiliya, kung paano dapat huwag maging makasarili, at yakapin ang kapwa. Pero habang ninanamnam ang sandali sa loob ng simbahan, hindi ko mapigilang mapatanong sa aking pakiwari. Bagaman nagtataka, minasdan ko ang rosaryong hawak, at tinitigan ang rebulto ni Kristo habang nakapako sa krus.
Taliwas sa aral, bukal nga ba sa loob ang pagkamatay ni Hesus?
Nickolo Bryan Lungay is the Chief Copy Editor of 4079 Magazine. A fourth-year Bachelor of Arts in Journalism student in PUP – Manila who focuses on news writing. He is also an intern at Pinoy Weekly having health, teachers, and government employees as his sectoral beats.
Comments