top of page

Lubog sa Baha, Lunod sa Pangako

Writer's picture: Jorland SalandoJorland Salando


Hulyo 2024 nang ibida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) ang mahigit 5,000 flood control projects na nakumpleto nila kung saan 656 nito ay nasa Metro Manila. Subalit nang humagupit ang Super Typhoon Carina, lumubog pa rin sa baha ang ilang parte ng nasabing lugar tulad ng Valenzuela, Taguig, Navotas, at maging ang Maynila.


Bilang bansang paulit-ulit na hinahagupit ng mga bagyo, patuloy ang Pilipinas sa pagsasagawa ng mga palpak at panandaliang flood control projects na nakatuon sana upang resolbahin ang suliranin sa matinding pagbaha. 


Sa kabila ng malaking pondong inilalaan ng gobyerno para sa iba’t ibang proyekto, hindi pa rin ramdam ng karamihan ang miski katiting na pagbabago. Nobyembre ng nakaraang taon, sunod-sunod na bagyo ang nagpalubog sa maraming bahagi ng Luzon at Visayas partikular sa rehiyon ng Bikol at iba pang karatig-bayan. Nagresulta ito ng pagkasawi ng mahigit 150 katao habang milyon-milyong pamilya ang nawalan ng tahanan


Sinasalamin ng trahedyang ito ang kapalpakan at pagkukulang ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. sa usapin ng flood control. 


Lawak ng pinsala


Sa loob ng 16 na taon, patuloy na nangunguna ang Pilipinas sa listahan ng World Risk Index ng mga bansang hirap bumangon mula sa mga natural hazard. Ayon naman sa GHD, isang international engineering group, maaaring umabot sa 124 bilyong dolyar ang pinsalang dulot ng bagyo at pagbaha sa bansa pagsapit ng taong 2050—bagay na posibleng mangyari dahil sa tindi ng epekto ng hagupit ng mga nagdaang bagyo.


Ayon sa Department of Agriculture, umabot sa mahigit ₱600 milyon ang pinsala sa agrikultura dulot ng bagyong Enteng, Setyembre ng nakaraang taon. Samantala, nagdulot naman ng pagkawasak sa kaparehong sektor ang bagyong Kristine na aabot sa ₱80.80 milyon na nakaapekto naman sa kabuhayan ng halos tatlong libong magsasaka mula sa iba't ibang rehiyon.


Dahil sa pagkawala ng ani, apektado rin ang ekonomiya. Noong ikatlong quarter ng 2024, bumagal ang paglago ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas at ang pangunahing sinisi ay ang pinsalang dulot ng magkakasunod na bagyo. 


Pagkabigo sa Kabila ng Pondo 


Simula noong 2015, halos 1.14 trilyong piso ang inilaang badyet para sa flood controlnagamit na ng kasalukuyang administrasyon ang 48% nito.


Nakatala naman sa 2023 budget report na naglaan ang gobyerno ng ₱291.2 bilyon para sa flood management projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ngayong 2025, tumatagingting na ₱1.007 trilyon ang badyet ng nasabing ahensiya.


Sa kabila ng mga pangakong proyekto sa flood control, patuloy pa ring lumulusong ang mga Pilipino sa tuwing hahagupitin ng bagyo. At kahit pa lumulubog tayo sa mga panawagan, nilulubog pa rin tayo ng baha dahil sa kapabayaan ng rehimen.


Hindi akma at puro panandalian ang solusyon


Bigo ang pamahalaan pagdating sa urban planning at pagsasagawa ng pangmatagalang solusyon sa baha. Nagiging patuloy na bulnerable sa pagbaha ang maraming lugar dahil sa kawalan ng epektibo at maayos na drainage at zoning systems.


Tinukoy ng World Bank na kabilang ang Metro Manila sa mga pinaka-apektadong lungsod sa buong mundo pagdating sa urban flooding. Bagaman nagtayo ang gobyerno ng ilang flood control structures, hindi angkop ang karamihan nito sa pangangailangan ng lungsod. Maraming estero ang barado dahil sa mga basurang bumabara sa daluyan. Hindi sapat ang pagtatayo ng mga "grey infrastructure" tulad ng mga drainage system at pumping stations kung hindi naman ito gumagana nang maayos.


Mainam sana kung natural na pamamaraan ang gagamitin tulad ng paggamit ng likas na espasyo tulad ng lawa at pagtatanim ng maraming puno upang sumipsip ng tubig ulan na siyang makatutulong upang maiwasan ang pagbaha. Subalit mas pinipili ng pamahalaan ang pagpapatayo ng mga grey infrastructure dahil may salapi rito. Kinakailangan ng pera at badyet ang bawat hakbang nito, magmula sa mga materyales hanggang sa lakas-paggawa. Nakikita nila itong oportunidad para makakamkam ng pondo ngunit pikit-mata sila sa epekto ng mga bagyo na siyang sumisira sa kabuhayan at ari-arian ng iba.


Problema sa Maintenance ng mga Flood Control Facilities


Isyu rin ang pagpapanatili ng kaayusan sa mga flood control facility. Madalas na hindi gumagana ang mga pumping station, flood gates, at drainage systems tuwing panahon ng sakuna dahil sa kapalpakan sa maintenance nito. 


Ayon sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong 2024, 71 mga pumping station sa Metro Manila ang operational ngunit hindi nito kinaya ang tubig-ulan na ibinuhos ni Carina noong Hulyo. Dahil sa palpak na upgrade sa mga flood control facility, nagiging mas matindi ang pinsala tuwing may bagyo, na nagpapakita ng kakulangan sa pagiging proactive ng gobyerno sa pagpapanatili ng efficiency ng mga istruktura.


Korapsyon bilang Sanhi


Madaling linlangin ang publiko dala ng kakulangan sa external monitoring ng climate expenditures. Natuklasan ng Commission on Audit (COA) noong 2023 ang pagkaantala ng 3,047 locally funded projects (P131.57 bilyon) at 17 foreign-assisted projects (P84.41 bilyon) na nagresulta sa pagkahinto ng benepisyo sa publiko at pagtaas ng gastos. Dagdag pa ang teknikal na depekto sa 828 proyekto.


Samantala, binatikos din ang MMDA ang 22 flood control projects na nahinto (P510.58 milyon) habang 29 iba pa (P371.03 milyon) ang hindi naisakatuparan. Dahil sa mga ito, nadagdagan ng P32.9 milyon ang gastos mula 2018 hanggang 2023.


Mabagal din ang usad ng Metro Manila Flood Management Project na naglalayong ayusin ang 36 na pumping stations at pagtatayo pa ng 20 panibago matapos ang taon. Tumataginting na $415 milyong loan mula sa World Bank ang inilaan sa proyektong ito ngunit hanggang ngayon, dalawang pumping stations pa lang ang naaayos.


Ginagawang gatasang-baka ng mga korap ang badyet na sana’y nakalaan sa pagsasaayos ng mga pasilidad para solusyonan ang pagbaha sa bansa.

Nalulunod na lang ang mamamayang Pilipino sa mga pangakong puno ng pamemeke at kapalpakan. Kung nais talagang solusyunan ang pagbaha, kailangang simulang gamitin ng pamahalaan ang makabagong mga diskarte na naaayon sa pangangailangan ng bawat lugar. 


Nararapat lamang na pag-aralang maigi ang  pagpaplano sa urbanisasyon ng mga lugar nang sa gayon, hindi naisasantabi ang kaligtasan nito pagdating ng kalamidad. Bukod dito, sa halip na kalbuhin ang mga kagubatan, dapat hikayatin ng gobyerno ang pagtatanim upang may katulong ang mga grey infrastructure sa pagsipsip ng tubig baha.


Hindi na dapat sayangin ang bawat sentimo ng taumbayan sa mga proyektong walang direksiyon at resulta kaya dapat ipatupad ang mahigpit na monitoring at transparency sa paggamit ng pondo.


Kung hindi pa rin magbibigay ang gobyerno ng agarang aksiyon, ipinapakita lang nito ang masakit na katotohanang mas mahalaga ang bulsa ng iilan kaysa sa buhay ng milyon.

Jorland Salando is the Online Director of 4079 Magazine, overseeing digital content and penning thought-provoking opinion pieces. A fourth-year Journalism student at PUP, he hones his skills through his internship at Pinoy Weekly, focusing on labor and migrant issues.


25 views0 comments

Related Posts

See All

Comentarios


bottom of page