Sa hidwaang Marcos at Duterte, bayan ang kawawa
- Glen Kerby Dalumpines
- Jan 25
- 5 min read

Nangyari nitong nagdaang taon ang isa sa pinakamalaking ‘break-up’ sa kasaysayan ng politika—ang hiwalayan ng pamilyang Marcos at Duterte. Sunod-sunod ang maaanghang na pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kay President Bongbong Marcos Jr. kamakailan, na dahilan upang lalong lumabo ang posibilidad na magkaayos ang dalawa.
Noong 2022 presidential election, matatandaang “unity” o pagkakaisa ang numero unong ibinida ng tambalang Marcos at Duterte, na siyang kinagat ng 31 milyong Pilipino na bumoto sa kanila. Bagaman kapwa nagmula sa problematikong pamilya, nariyan pa rin ang katiting na pag-asang baka sakaling maganda ang kahinatnan ng bansa ngayong nagmula sa parehong panig ang nagwagi.
Subalit, sa loob lamang ng dalawang taon na panunungkulan ng tambalan, lumabas agad ang katotohanang huwad ang pagkakaisang iprinesenta nila sa mga Pilipino. Nangibabaw pa rin ang pansariling interes ng bawat pamilya.
Magkasalungat na Interes ng Dalawang Panig
Ayon kay Marcos, sinusuportahan niya ang planong amyendahan ang 1987 Constitution upang magkaroon ng economic reforms na nakatuon sa paghikayat sa mga foreign investors na magnegosyo sa loob ng bansa. Dagdag dito, bukas rin umano siya sa usapin na amyedahan ang political provisions ng konstitusyon, ngunit hindi niya raw ito prayoridad.
Nakababahala ang usapin ng pag-amyenda sa political provisions, lalo na’t isang Marcos ang kasalukuyang nakaupo sa pwesto. Matatandaang ang pagbabago sa Konstitusyon ang naging instrumento ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr. upang manatili bilang presidente sa loob ng dalawang dekada o 21 taon.
Sa panig naman ng mga Duterte, mariin nilang kinokondena ang charter change at ayon sa dating Pangulong Rodrigo Duterte, wala umano siyang nakikitang mali sa kasalukuyang Konstitusyon. Salungat ito sa ginawa niya noon, kung saan sinubukan niyang baguhin ang konstitusyon at gawing federalismo ang sistema ng gobyerno—bagay na ikinabigo ng kanyang administrasyon.
Dinaluhan din ng mga Duterte ang mga “prayer rally” na tumututol sa charter change, na naging midyum din ng kanilang politikal na pag-atake. Sa isang “prayer rally” nangyari ang insidente kung saan tinawag ni dating Pangulong Duterte na bangag at drug addict si Marcos.
Sa kabilang banda, ironic na nagsagawa ng “prayer rally” ang mga sumusuporta at nagbubulag-bulagan sa mga pamamaslang noong panahon ng giyera kontra droga.
Sa usaping pandaigdigan naman, naging maka-China ang administrasyong Duterte, kung saan pinalakas nito ang relasyon ng bansa. Ayon sa kanya, kailangan ng Pilipinas ang tulong ng China sa pamamagitan ng pag-utang at investments nito upang mapasigla ang ekonomiya. Ginawa niya ito habang tinutulak papalayo ang Estados Unidos. Sa kabila ng lahat, patuloy pa rin ang China sa pang-aangkin ng West Philippine Sea at pananakot sa mga mangingisdang Pilipino.
Sa panunungkulan naman ng kasalukuyang administrasyong Marcos, sinusubukan nitong ipanumbalik ang relasyon ng Pilipinas sa US. Patunay nito ang pagpapalakas ng pwersang militar ng US sa loob ng bansa sa pamamagitan ng pagdagdag ng apat na kampo militar nito na nakapailalim sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Nagkaroon din ng trilateral summit sa pagitan ng Pilipinas, US, at Japan na naglayong palakasin ang kooperasyon ng isa’t isa sa usaping ekonomiya at seguridad.
Marahil ang pananaw at ideolohiya ng dating Pangulong Duterte ang naging ugat ng lamat sa pagitan ng kanyang anak na si Sara at ng mga Marcos.
Bangayan ng Dalawang Lider
Ibinulgar sa isang online press conference ni Sara Duterte ang plano niyang ipapatay sina Bongbong Marcos, asawa nitong si Liza Araneta, at pinsan na si Martin Romualdez kasalukuyang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas kung sakaling may pumatay sa kanya. Sa kaparehang interbyu, pinagmumura at tinawag niya ring sinungaling si Marcos dahil sa pangako nitong bente pesos na bigas noong eleksyon na imposibleng mangyari.
Bago pa rito, ibinahagi rin ni Duterte sa isa pang press conference ang imahinasyon niyang pugutan ng ulo si Marcos matapos nitong tawanan at tanggihan ang isang Philippine Military Academy (PMA) graduate na nanghingi ng kanyang relo bilang regalo. Aniya, toxic na ang relasyon nilang dalawa dahil ganito na ang kanyang naiisip.
Sinusukat ng Bise Presidente ang kapasidad ni Marcos na pumalag sa mga atake niya. Animo’y isang patibong na kung sakaling hindi pansinin at kagatin ni Marcos, magmimistula siyang duwag at takot—bagay na papabor sa mga Duterte.
Bilang tugon, hindi umano palalampasin ni Marcos ang pagtatangka ng Bise Presidente sa kanyang buhay.
“Iyang ganyang kriminal na pagtatangka ay hindi dapat pinalalampas. ‘Yan ay ang aking papalagan,” aniya.
Matapang man pakinggan, taliwas naman ito sa kumalat na text message ni Marcos na hinihikayat ang mga mambabatas na huwag nang suportahan ang impeachment complaint laban kay Duterte.
Marahil iniisip ni Marcos na kung sakaling magtagumpay ang impeachment kay Duterte, may posibilidad na mangyari rin ito sa kanya sapagkat lalakas ang pwersa ng oposisyon kung matuloy ito.
Naghihingalong Demokrasya sa Ilalim ng mga Naghaharing-uri
Sa kabilang banda, ang paghihiwalay ng pwersa ng Marcos at Duterte ay banta rin sa demokrasya ng bansa. Hindi na rin nakapagtataka kung mamimili sa dalawang kampo ang karamihan sa mga tatakbong politiko sa darating na midterm election. Paniguradong kanya-kanyang pagpapalakas ang aatupagin ng dalawang pamilya. Palalakasin ang kanilang impluwensiya sa iba’t ibang sangay ng gobyerno upang maungusan ang kabila. Sino ‘man ang magwagi, mananatiling banta sa demokrasya kung magpapatuloy mapunta sa kamay ng iilang pamilya at grupo ang kapangyarihan. Nanganganib na maulit muli ang sirkulo kung saan magiging tagaboto lamang ang mga Pilipino at mawawalan na ng boses pagkatapos ng eleksyon.
Sa Tunggalian ng Dalawang Makapangyarihang Pamilya, Naiipit at Naisasantabi ang Kapakanan ng Masang Pilipino
Dahil sa pagbabangayan ng dalawang kampo, naisasantabi ang mga bagay na sana’y mas pinagtutuunan ng atensyon. Ang matinding krisis sa sektor ng edukasyon at kalusugan na bunga ng kakulangan sa pondo. Sa taong 2025, natapyasan ng halos 12 bilyon ang proposed budget sa Department of Education (DepEd) at 23. 7 bilyon naman sa Department of Health (DOH).
Para sa mga health workers, sigaw nila na gawing ₱33,000 ang entry-level salary ng mga health workers sa pampubliko at pribadong ospital. Ayon sa Executive Order (EO) 64, ₱13,000 kada buwan lamang ang sahod ng mga Salary Grade 1 (SG1) health workers sa public hospital habang ₱600 kada araw naman ang minimum sa pribado. Kulang na kulang ito kung ikukumpara sa bigat ng trabahong iniatas sa kanila.
Hiling din ng mga guro na itigil na ang pambabarat sa kanilang serbisyo. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), hiling nila kay Marcos na gawing ₱50,000 ang entry-level salary mga public school teacher. Batay sa EO 64, binigyan ng ₱50 kada araw na dagdag-sahod ang mga guro. Ayon sa ACT, malaking insulto umano ang kakarampot na umentong ito dahil hindi pa nga nito kayang makabili ng isang kilong bigas. Malinaw na hindi ito sapat sa taas ng presyo ng bilihin sa kasalukuyan.
Patuloy rin sa pagsigaw ng kanilang mga panawagan ang mga manggagawang mangingisda at magbubukid para tulungan silang palakasin ang lokal na produksyon at itigil na ang pagdepende sa importasyon upang mapababa ang presyo ng bilihin. Pakiusap din nilang itigil na ang pagbabanta sa kanilang seguridad upang makamkam ang mga lupang sakahan.
Natatabunan ang mga panawagang tulad nito ng drama sa pagitan ng dalawang pamilya. Naiipit sa pagitan ng dalawang higanteng pwersa ang masang Pilipino sapagkat naisasantabi ang pangangailangan nila. Nalilibang ang karamihan sa malasirkus na palabas ng mga lider ng bansa. Kung magpapatuloy, mananatiling kawawa ang kalagayan ng bayan at magpapatuloy ang atrasadong kaunlaran nito.
Comments