Midya at AI: Sandigan, hindi kalaban
![](https://static.wixstatic.com/media/493546_776b5fb76f7c49eda60aba32ea79d7d0~mv2.png/v1/fill/w_980,h_534,al_c,q_90,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/493546_776b5fb76f7c49eda60aba32ea79d7d0~mv2.png)
Editor’s Note: The image used is an AI-generated cartoon created to illustrate the intersection of media and AI as tools for collaboration. It is not a depiction of real events, individuals, or locations. It is intended for illustrative purposes only and is not affiliated with or officially endorsed by 4079 Magazine.
Sa panahong nasa dulo ng mga daliri ang halos lahat ng impormasyon, kapalit nito ang banta ng mabilisang pagkalat ng mga mali at mapanlinlang na detalye na ipinipresenta sa anyo ng “balita.” Ginagamit ng iba sa maling paraan ang kapangyarihang dulot ng teknolohiya tulad ng artificial intelligence (AI) upang lituhin ang masa—bagay na mariing nilalabanan ng mga peryodista.
Paano Ginugulo ng AI ang Publiko?
Isa sa produkto ng AI ang deepfakes. Ito ang mga pekeng audio at video na ginagamit ang anyo at boses ng isang tao upang palabasin na binanggit o ginawa nila ang isang bagay. Maaaring magdulot ito ng malawakang disimpormasyon at iskandalo dahil sa kapasidad nitong mangumbinsi ng mga taong makakakita nito.
Halimbawa ang insidenteng kinabilangan ni Ruth Cabal, isang respetadong mamamahayag. Kumalat sa social media ang deepfake na gumamit ng video niya habang nagbabalita at pinatungan ito ng ibang audio. Ginamit ang naturang materyal upang makapanghimok ng mga tao na mag-invest sa isang money scam. Bagaman mababakas na peke, nag-viral ito at umani ng samu’t saring reaksyon sa netizens.
Ayon sa ulat ng International Center for Journalists (ICFJ), parehong lumilikha ng "liar’s dividend" ang shallow fakes at deepfakes—isang kondisyon kung saan nahihirapan ang mga tao na paniwalaan ang isang usapin na ginawan ng maling ulat kahit na ito’y naitama na. Nagdudulot ito ng pagkalito sa mga mababasa sa kung ano ang dapat nilang paniniwalaan.
Ayon naman sa isang survey ng Pulse Asia noong 2022, 86% ng mga Pilipino ang naniniwala na malaking problema ang fake news lalo na sa social media. Malaking porsyento nito ay dahil sa mga influencer, vlogger, at blogger na nagiging daluyan ng maling impormasyon. Ipinapakita ng datos kung gaano kalaganap ang disimpormayon na hindi lamang nagpapalabo sa pagtukoy ng totoong balita kundi sumisira rin sa tiwala ng publiko sa midya.
Sa kabila ng lahat, patuloy pa rin ang pagsusumikap ng midya na tugunan ang hamon. Ayon sa survey ng ICFJ, higit sa kalahati ng mga mamamahayag sa buong mundo ang gumagamit ng digital tools upang mag-fact-check ng impormasyon. Gayundin ang pagtaas ng paggamit ng social media verification tools mula 11% noong 2017 na naging 25% noong 2019.
Teknolohiya bilang kaagapay
Hindi sagot ang simpleng pagtutol sa teknolohiya, bagkus nararapat itong gamitin bilang kaagapay sa paghahatid ng katotohanan.
Nakatutulong ang AI sa pagpapabilis ng pananaliksik at pagsusuri ng mga datos—isang prosesong dati’y nangangailangan ng maraming oras at lakas-tao. Halimbawa, ang natural language processing (NLP) ay kayang mag-analisa ng libo-libong artikulo, social media posts, at dokumento upang tukuyin ang mga pattern at ebidensya na makatutulong sa pagpapatibay ng mga balita. Bukod pa rito, ginagamit din ang AI sa pag-verify kung lehitimo ba ang mga video at larawan.
May mga ilang organisasyon na rin sa bansa ang gumagamit ng AI sa paglaban sa disimpormasyon. May tinatawag na "Politics Knowledge Graph" ang Rappler na nagsusuri ng ugnayan ng mga pulitiko, organisasyon, at isyu. Gumagamit naman ang Tsek.ph ng advanced digital tools upang magsuri ng mga online content. Habang nagbibigay naman ng mentorship sa mga fact-checking organization ang Philippine Fact-Checker Incubator (PFCI) AI-based tools upang matukoy ang mga pekeng balita nang mas mabilis.
Bagaman epektibo ang AI sa pagtukoy ng mga anomalya at maling impormasyon, hindi nito kayang palitan ang kakayahan ng tao sa masusing pagsusuri ng konteksto, moralidad, at katumpakan ng nilalaman. Dito pumapasok ang halaga ng tinatawag na human-centric journalism kung saan inuuna ang integridad at katotohanan sa pagbabalita.
Hamon sa Etikal na Paggamit
Hindi lamang sa usapin ng midya nakukulong ang responsableng paggamit ng teknolohiya. Nararapat na bumuo ng malinaw na regulasyon ukol sa paggamit nito upang masiguro ang wasto nitong aplikasyon.
Nananatiling kulang ang mga batas sa bansa na tumutugon sa etikal na paggamit ng AI. Nakatuon lamang ang Cybercrime Prevention Act of 2012 sa mga tradisyunal na online crime tulad ng hacking at identity theft. Dagdag dito, walang malinaw na regulasyon hinggil sa mga kaso ng deepfakes.
Kaya naman mahalagang magkaroon ng kolaborasyon sa pagitan ng mga gumagawa ng polisiya, mga teknolohista, at ang midya upang makabuo ng mas malinaw na mga patakaran para sa etikal na paggamit ng AI.
Sa kabilang banda, unti-unti nang nagtatakda ng mga regulasyon sa paggamit ng AI ang ibang bansa tulad ng mga kasapi sa European Union. Sa pamamagitan ng kanilang AI Act, nilalayon nitong iwasan ang high-risk applications tulad ng disinformation at surveillance. Maaaring tingnan ito ng Pilipinas upang bumuo ng sariling framework na tutugon sa ating suliranin sa pamamagitan ng lokal na konteksto.
Tuloy ang laban sa pamamahayag
Laban ng lahat ang laban para sa katotohanan. Kinakailangan ng malawakang pagkakaisa, kritikal na pag-iisip, at determinasyon upang wakasan ang panlilinlang at manumbalik ang tiwala ng publiko sa mga mamamahayag.
Nararapat na sumabay ang midya sa agos ng pagbabago at yakapin ang AI at gawin itong kasangkapan sa halip na banta.
Isang malaking hamon sa pamamahayag ang panahon ngayon. Ngunit isa rin itong pagkakataon upang maipakita na hindi matitinag ng ilusyong dala ng makinarya ang layunin ng midya na maghatid ng katotohanan. Patuloy na susulong at makikibaka para sa mga mamamayan at para sa bayang pilit na pinipiringan ng iilan.
Jorland Salando is the Online Director of 4079 Magazine, overseeing digital content and penning thought-provoking opinion pieces. A fourth-year Journalism student at PUP, he hones his skills through his internship at Pinoy Weekly, focusing on labor and migrant issues.
Comentários