top of page

Para saan ba ang gunting?

Writer's picture: Graziella MateoGraziella Mateo


Noong bata ako, hilig kong paglaruan ang mga gunting na nakikita ko sa aming tahanan. Mahilig kasi ako sa arts and crafts at sa mga anik-anik. Kung tama ang pagkakaalala ko, uso pa noon ang mga gunting na may iba't ibang hugis at disenyo ang talim.


Mahilig ka ba sa paper dolls? Ako kasi oo. Gawain ko ang gumuhit ng mga makukulay na bestida gamit ang putol-putol na krayola at pira-pirasong papel na naitago ko sa pahina ng mga libro. Pagkatapos, ginugupit ko ang mga nagawang disenyo upang isuot sa mga ito. Maarte kasi ako noon, at kadalasan, hindi ko gusto ang disenyo ng damit ng mga karakter na binili ko sa tindahan ni Ate Inday. 


Napakasaya bumalik sa nakaraan, ‘no?


Hanggang ngayon, bitbit ko pa rin ang pagkahilig ko sa gunting. Ang pinagkaiba lang ay wala na itong disenyo tulad ng dati, hindi na para sa anik-anik, at hindi na rin ginagamit sa paggawa ng mga hugis. 


Para saan na ang gunting? 


Hindi na para sa makukulay na papel, ginagamit ko na ang gunting upang putulin ang aking buhok na iba-iba ang kulay tuwing paubos na ang mga araw sa isang buwan. Nasubukan ko na ang pula, ang kahel, ang kulay berde—ano pa ba? Kung susubukan bilangin, tila lagpas na sa aking mga daliri. Baka sa susunod, kasing kulay na nito ay ang bahaghari. 


Sa pagtanda at pagtungtong ko sa edad na disisais, lingid sa kaalaman ko ang nakaabang na bigat mula sa pagkamulat sa reyalidad ng mundo. May kirot sa paglunok at pagtanggap sa katotohanan na hindi ko kayang matupad ang mga bagay na matagal kong inaasam kung wala akong sapat na kapasidad. 


Para sa mga katulad ko, paano mo masisikmura ang ganito kasaklap na katotohanan? 


Para bang gumuho ang mundo ko, sinampal na naman ako ng reyalidad upang magising sa patong-patong na mga problemang pilit kong nilalabanan nang mag-isa.


Sa mga pagkakataong hawak ko ang gunting, nagkakaroon ako ng oportunidad na  patayin ang kasalukuyan kong pagkatao. Alam ko na madalas mong napapansin ang hindi pantay na pagkakagupit ng aking buhok. Ngunit para sa akin, simbolo ito ng panibagong yugto—ang 'bagong ako'.


Ngunit para sa akin, simbolo ito ng panibagong yugto—ang 'bagong ako'.

Pero pangako, sa susunod, sisikapin kong ipantay ang pagkakaputol ko sa bangs ko.


Ikaw? Saan mo ginagamit ang gunting?


Graziella Mateo is the Head Illustrator of 4079 Magazine. A 4th-year BA Journalism student who specializes in illustration and creative writing. She is currently a graphic designer and writer-intern for Rank Magazine.


195 views0 comments

Related Posts

See All

Comments


bottom of page