top of page

Santo ang salapi't panata

  • Writer: 4079magazine
    4079magazine
  • Dec 14, 2024
  • 2 min read


Sa lipunang nagbubulag-bulagan, sino ang tunay na diyos? Sino ang totoong alipin?


Sa bawat sulok ng lansangan, 

kung saan ang gutom ay sigaw ng kaluluwa, 

nag-aalay kami ng dasal sa aming diyos—

mukha niya’y bayani, ngunit katawang pangako. 


Nang una kong marinig ang ingay ng siyudad, umaalingawngaw ang tinig ng mga taong hikahos, hindi dahil sa kagustuhan nila, kung hindi dahil sa pangangailangan. Sa bawat tansan, barya, at papel na hinahabol, tila isang banal na seremonya ang bawat transaksiyon. 


Sa mesa ng sugal, aming ipinagpapalit

ang dangal ng pangarap para sa panandaliang awit.

Sa anino ng gabi, itinataya

ang isang katawan, isang halik, isang pagkatao—

buhay na nagsusumamo.


Ang diyos na sinasamba nila ay walang altar, walang santo, at walang panalangin— 


Ang diyos ng kahapon, kami’y nilimot,

Sa altar ng pag-asa, kami’y lumuhod.

Ngunit ang aming panata, hindi sa krus—

Nasa lukot na salapi, sa kamay na nakayapos.


Ang boses ng kalsada'y bumulong: “Hindi ang diyos, kung ‘di pera ang magbibigay ng buhay.”


Sa kalsada, may nagtitinda ng kendi at yosi para mabuhay ang mga anak. Sa jeep, may estudyanteng pumipila, at binibilang ang baryang ibabayad. Sa tabi ng kalye, ang mga lotto ticket wari’y susi ng pag-asa. Ang bata naman sa kabilang kanto ay naglalako ng sampaguita sa mga motorista. Sa isang sulok, bulong ang dasal habang nagpapaluwal ng maliit na halaga sa isang pautang. 


Barya para sa gatas ng anak,

utang para sa bigas sa palengke.

Walang kabanalan sa nag-aabang na pating,

ang ngiti’y matamis, ngunit nagtatago ang patalim.


Ang palad ko'y gasgas na sa pagtanggap ng barya na hinulog sa lata, ang kalam ng sikmura'y nakabibingi, ‘pagkat pagtanggap na lang ito sa patalim na muling susugat sa sarili.


O salapi, ikaw ang aming panata


Sa iskwater, sa palengke, sa pabrika,

at sa bawat sulok ng kahirapang nakasanayan,

ang diyos ay hindi naglalakad sa tubig—

siya’y nasa kamay ng pulubi, sa palad na mga mumunti.


Sa balota, aming tinintahan ang sariling kapalaran—binili’t binenta. 

Barya-baryang kabayaran sa konsensiyang nalugmok,

ang boto’y lubog sa utang ng tiwala na ‘di mababayaran.


At tuwing gabi, sa ilalim ng bituin, hindi mga santo ang sinasambit namin, kung ‘di ang pangalang inukit sa salapi—ang diyos na hindi nagbibigay, at nag-aalsa balutan.


Maria Minerva Melendres is a Literary writer, photojournalist, graphic designer, and part of the marketing department in 4079 Magazine. A senior BA Journalism student at PUP-COC Manila who specializes in Sports writing, a jack of all trades, she is an intern at ABS-CBN Integrated News and Current Affairs (INCA) and focuses on producing stories through videos and articles about Business, and a writer for Lifestyle. 


Comentarios


bottom of page