top of page

Hustisya, seguridad para sa mga magsasaka

Writer's picture: Glen Kerby DalumpinesGlen Kerby Dalumpines



Noon, madalas akong makakita ng mga balita tungkol sa mga kilos-protesta. Wala akong ideya kung ano ang layunin at pinaglalaban nila ngunit batid ko ang sinseridad sa kanilang bawat sigaw sa lansangan. Malimit din ipakita sa telebisyon ang tensyon at girian sa pagitan ng mga nagkikilos-protesta at kapulisan kaya lalo akong napaisip kung ano ang dahilan at handa nilang itaya ang kanilang buhay para sa kanilang mga panawagan. 


Ngunit ngayon, nalaman ko na ang mayorya sa kanila’y mula sa mga marhinadong sektor ng mga manggagawa. Marami ang mga magsasaka na ilang dekada na humihingi ng tulong at suporta sa gobyerno. Ilang presidente na ang nanungkulan ngunit hindi pa rin nagbabago ang kanilang hinaing—tunay na reporma sa lupa, suporta sa produksyon, at pagtigil sa land grabbing at land-use conversion. Nakalulungkot lang makita na imbis suporta ang matanggap, kabi-kabilang intimidasyon at paniniil pa ang kanilang tinatamo.


Ayon sa datos ng Ibon Foundation, 344 na magbubukid ang pinatay habang 26 na insidenteng naitala ng masaker na konektado sa lupang sakahan ang naganap sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa kasalukuyang panunungkulan naman ni Pangulong Bongbong Marcos, 24 na magbubukid ang pinatay ayon sa datos ng International Coalition of Human Rights in the Philippines.


Bago pa riyan, nag-iwan din ng malalim na pilat sa kasaysayan ang madudugong tagpo tulad ng  Hacienda Luisita, Palo, Kidapawan, at Mendiola Massacre na kumitil sa buhay ng mga magsasakang nagnanais lang ng makatarungang pagbabago. Mga magsasakang tumindig para iangat ang kasalukuyang antas ng kanilang kabuhayan sapagkat wala silang maaasahang lehitimong suporta at proteksyon mula sa gobyerno. 


Kabaligtaran pa ang nangyayari sapagkat  mga pulitiko pa mismo ang numero-unong sangkot sa pangangamkam ng lupa at pagpapalaganap ng karahasan sa mga magsasaka.


Nangunguna riyan ang pamilya Villar na kapag narinig ang kanilang apelyido, awtomatikong mga lote at pabahay agad ang unang papasok sa isipan. Nakatatawang biro pero kung iisipin, sa bawat pabahay at komersyal na establisyementong kanilang ipinatayo, ilang libong magsasakang Pilipino ang ninakawan at tinanggalan nila ng karapatan at kabuhayan.


Patuloy pa rin ang mga berdugo sa pananamantala, patunay riyan ang nagaganap sa bagsakan sa San Jose del Monte, Bulacan. Pera at kapangyarihan ang pangunahing instrumento nila upang magamit ang militar sa paglilibot sa paligid ng sakahan na nagdudulot naman ng takot at panganib sa mga residente doon.


Katuwang nila sa pagmamalabis ang mga Araneta na isa ring tanyag at makapangyarihang pamilya. Si Gregorio Araneta III, ang Chief Executive Officer (CEO) ng Araneta Properties Inc, ay asawa ni Irene Marcos, kapatid ng kasalukuyang Pangulong Bongbong Marcos. Habang si Cynthia Villar, na kasalukuyang senador, ang chair sa komite ng agrikultura, pagkain, at agraryo sa lupa.


Nakadidiri at nakatitindig balahibo ang disenyo ng politika sa bansa. Nakaluklok sa pwesto ang ugat mismo ng problema. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na nagigipit ang ating mga magsasaka. Naisasantabi ang pangangailangan nila dahil higit na pinahahalagahan ang interes ng mga negosyante para sa salapi.


Kaya tuwing tinatamaan ng malalakas na bagyo ang bansa, umaabot sa bilyong piso ang danyos sa sektor ng agrikultura. Nitong nakaraang Oktubre, matatandaang lubhang nanalasa ang bagyong Kristine sa buong Luzon at Visayas. Tinatayang nasa 6 bilyon ang pinsala nito sa agrikultura habang noong Setyembre, umabot sa 600 milyon naman ang pinsala ng hagupit ni bagyong Enteng.


Salat sa paghahanda ang gobyerno kaya ganito na lang ang dagok na naiiwan sa mga magsasaka, pati na rin sa iba pang manggagawang agrikultural. Maraming nasasayang dahil sa ganid ng iilan. 

Dagdag pa dito, tinagurian tayong agrikultural na bansa pero tayo pa mismo ang numero-unong importer ng bigas sa buong mundo—dinaig pa natin ang China. Hindi na nakapagtataka dahil imbis na palakasin ang lokal na produksyon, inuuna pa ang pagpapaigting ng importasyon. Taong 2019 nang ipatupad ang “Rice Tarrification Law” na nagpataw ng 35% na taripa sa imported na bigas—may layon umano ito na pababain ang presyo. Ngunit limang taon na ang lumipas, wala pa ring pagbabago at patuloy pa rin sa pagtaas ang presyo.


Kung gusto talaga natin magkaroon ng lehitimong pagbabago, nararapat suportahan ng gobyerno ang mga magbubukid sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa. Ipamahagi sa mga magsasaka ng libre ang lupang sakahan, bigyan sila ng subsidiyo para sa modernong kagamitan at mga pataba sa lupa, tulungan sila sa transportasyon ng mga produkto upang hindi na mabarat ng mga middlemen; higit sa lahat, itigil na ang panunupil at karahasan. Kung makakamit lahat ng ito, hindi lang mga magsasaka ang makikinabang kundi ang buong bansa.


Glen Dalumpines is the Opinion Editor of 4079 Magazine. A 4th-year journalism student who specializes in writing opinion articles that tackle significant societal issues. He is also an intern at Pinoy Weekly covering peasant and fisherfolk stories.

33 views0 comments

Related Posts

See All

Comentários


bottom of page